SAN JUAN NEPOMUCENO PARISH

C. Jose St., Malibay, Pasay City, Philippines 1300, Tel/Fax 63(2)852-8164

WELCOME TO OUR BLOG SITE

In this site are articles on our Vision, Mission, History, Tradition, and other information.

For further questions, email us at sjnparishmalibay@gmail.com.

Rev. Fr. Antonio B. Navarrete, Jr., Parish Priest


SERVICES

MASSES: Sundays: 5:30, 7:00, 8:30 am (Tagalog) & 10:00 am (English)
4:00 (Children's Mass), 5:30, 7:00 pm (Tagalog), 8:00 pm (English)
Weekdays: 6:00 am & 6:00 pm
Healing Mass: every 2nd Saturday, 10:00 am
CONFESSION: Wed., Fri., Sat. 5:00-6:00 pm or by appointment
BAPTISM: Sundays 11:00 am or by appointment
ANNOINTING OF THE SICK: by appointment
MATRIMONY: by appointment
OFFICE HOURS: Daily 8:30 am-12:00 nn, 2:30 pm-7:00 pm

PARISH CONSTRUCTION

Magbahagi po naman tayo, pagtulung-tulungan
natin ito!

Paano magdonate?


1. Magsadya kay Fr. Tony,

2. Ilagay sa sobre at ibigay sa opisina ng Parokya,

3. Makipag-usap sa kasapi ng Parish Finance Council, o

4. I-deposit sa SJN Parish Construction Fund

BPI EDSA-Magallanes Account No. 3531-0057-58


Tuesday, February 26, 2013

SANTACRUZAN


SANTACRUZAN
(Naganap noong ika-22 ng Mayo 1999, Sabado, 7:00 ng gabi.)

Pauna: Ang gawaing ito ay hindi isang palabas. Bagkus ay isang pagpapahayag ng pananampalatayang Kristiyanong hango sa karanasan ng mga taong biniyayaan ng Panginoon at tumugon ng may pagmamahal. Inaanyayahan namin i kayo na samahan kami sa panalangin at pagsariwa sa kanilang buhay na tunay na mabuting halimbawa.

SANTACRUZAN
Nanggaling sa dalawang salita, "Santa" at "Cruz", na tumutukoy sa pinagpakuan sa ating Panginoong Hesukristo. Isa ito sa pinakamahalagang simbolo sa pananampalatayang Kristiyano. Ang SantaCruzan ay isang pagpapahayag ng pananampalataya batay sa karanasan nina Reyna Elena at ng kanyang anak na si Constantino.

Isang mabisang pagpapahayag ng Kristiyanismo ang paglalahad ng mga karanasan ng pagbabago. Ang Santacruzan ay may ganitong diwa. Ayon sa isang alamat si Constantino na isang pagano ay naharap sa isang mahalagang digmaan. Napatingala siya sa kalangitan at nakita niya sa madilim na ulap ang isang makinang na krus na may mga katagang: "IN HOC SIGNIA VINCIT", na ang ibig sabihin ay "Sa pamamagitan ng tandang ito ikaw ay makakasakop ". Kayat inatasan niya ang kanyang mga pinuno na gawing tanda ng kanilang hukbo ang krus. Nagtagumpay sila at ipinasya niyang sumapi sa Kristiyanismo sa pagbibinyag ni Papa Eusebio. Bilang pasasalamat ipinadala niya ang kanyang ina, si Reyna Elena, sa Jerusalem upang hanapin ang Krus na pinagpakuan sa Panginoong Hesus. Tatlong krus ang natagpuan. Ang krus na nagpagaling sa maysakit (o sa ibang kuwento ay ang krus na bumuhay sa isang patay!) ang tinukoy bilang siyang Banal na Krus. Nagdaos ang buong kaharian sa pamamagitan ng prusisyon ng Banal na Krus.
                                                                                                                                                  
MGA GUMAGANAP
SAN JUAN NEPOMUCENO - patron ng parokya at bantog sa pagtulong sa pagsampalataya ng mga hindi naniniwala sa Diyos at pagbabalik-loob ng mga makasalanan.
MATUSALEM - (Sir Knight Johnny Pitel, KC) Napakatandang tao, sakay ng kariton at makikitang naghahalo ng buhangin sa kawa. Ipinaaala-ala rdya na ang lahat kahit ang kumikinang ay magbabalik sa alabok.
MGA BATANG ITIM - (Knights of the Altar) Kumakatawan sa mga katutubo ng ating bayan na tumanggap ng binyag sa Kristiyanismo.
REYNA ABANDERADA - (Daena Cruz, LOM) Kumakatawan sa ating bansang Pilipinas, isang Kristiyanong bansa at inaasahan at halimbawa ng Kristiyanismo dito sa Asya.
REYNA MORA - (Vanessa Argonza) Kinakatawan niya ang mga kapatid nating Muslim. Ipinaaala-ala sa atin bilang Kristiyano na ang lahat ay ating kapatid at pananagutan kahit iba-iba ang ating pananampalataya. Maging halimbawa tayo sa ating kapwa.
TRES MARIAS, MARTHA (Kim Santiaguel, Haw ng Panginoon), SALOME (Mary Ann  de  la  Cruz,   NAC), AT MAGDALENA (Anna Liza Fernandez, Ilaw ng Panginoon) Inilalarawan nila ang ganap at walang takot na pananampalataya sa pagdalaw sa libingan ng Panginoon. Ang walis ay tanda ng pagkakaisa. Ang insenso ay ang pagkilala sa Panginoong Hesus bilang Diyos. At ang pabango, tanda ng kasariwaan at buhay na walang hanggan.
REYNA FE - (Mona Lisa Avedana, MOW) Ibig sabihin ay "Pananampalataya ". Dala niya ay Bibliya na naglalaman ng Salita ng Diyos na batayan ng ating paniniwala sa Diyos.
REYNA ESFERANZA - (Ma. Gracita Guevarra, NAC) Ibig sabihin ay "Pag-asa". Dala niya ay kalapati, isang ibong sa bawat paglipad ay pangako ng katiyakan at kapayapaan.
REYNA CARIDAD - (Jennifer Papa, MOW) Ibig sabihin ay "Pag-ibig". Dala niya ang isang puso tanda pagmamalasakit sa kapwa.
ABOGADA - (Raquel Besmano, MOW) Kinakatawan niya ang isang katangian ng Diyos, ang pagtatanggol para sa katarungan lalo na ng mga naaapi.
DIVINA PASTORA - (Kristine San Sebastian, MOW) Ang Panginoon ay Mabuting Pastol. Tayo ay mga tupa na pinamamahalaan Niya (baston) ng tapat at buong pagmamahal.
REYNA SENTENCIADA - (Yoly Salas, El Shaddai) Ang pinatawan ng kaparusahan. Ang Diyos ay makatarungan.  May takdang kaparusahan ang lahat ng masamang gawain.
REYNA HUSTISYA - (Angela Majarais, MOW) Nakapiring at may hawak na timbangan ng katarungan, katarungang inaasam ng bawa^ tao na makamtan.
REYNA NG KALAYAAN - (Rowena Esguerra, MOW) Ang putol na tanikala ay tanda ng kalayaan sa lahat ng bagay sa mundo at pagkilala sa iisang Panginoon.

MGA TAUHAN SA BANAL NA AKLAT
SAMARITANA - (Dang Bruno, LOM) Taga-Samaria, itinuturing na mababang uri ng tao sa kapanahunan ni Hesus. Pinili ni Hesus na pagpahayagan ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagbubunyag sa Kanyang sarili bilang Tubig ng Buhay.
REYNA JUDITH - (Lina Fernandez, MOU) Kabigha-bighaning Reyna ng katapangan at may malalim na malasakit sa kapwa. Pinugutan niya ng ulo si Holofernes, mandirigma ni Haring Nebuchadnezzar, na nagtangkang patayin ang mga kababayan niyang Israelita.
REYNA ESTER - (Dinah Lucero, MOU) Isang  ulilang  Hudyong  inaruga ng pinsan   niyang   si   Mordecai   na sa kabutihang-palad ay napiling reyna sa kaharian ni Haring Ahasuerus. Natuklasan ni Mordecai ang balak ni Haman na patayin ang hari. Ipinaalam din ni Ester ang balak ni Haman na ipapatay ang mga Hudyo. Subalit dahil sa kagandahan ni Ester at katapatan ni Mordecai, binigyan ang lahat ng mga Hudyo na sumamba ng hayagan.
REYNA SHEBA - (Grace Dieta, MOU) Maganda at napakayaman na Reyna. Kaibigan ni Haring Solomon. Nagtulong sila sa kaunlaran ng kanilang nasasakupan. Tanda ng mabuting pakikipag-ugnayan sa kapwa.

MGA KATANGIAN NG MAHAL NA BIRHEN
REYNA DE LAS FLORES - {Teresa de la Cruz, MOU) Kinikilala ang Mahal na Birhen bilang reyna ng mga bulaklak. Walang kapantay na kagandahan ng ugali at mabangong pagkatao. Tanda ng ganap na buhay na dinala niya, si Hesus.
BAHAY NA GINTO - (Remy Francisco, MBG) Minsan sa kanyang sinapupunan ay nanahan ang pinakamahalagang "ginto" ng sanlibutan, ang Panginoong Hesus. Tanda rin ito ng kanyang "ginintuang kalooban" dahil sa pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos.
TALA SA UMAGA - (Katharine Ann Carandang, Qorban & LOM) Gabay ng mga pantas sa pagtunton sa isinilang na Niño Hesus. Kinikilala ngayon ang Inang Maria bilang gabay ng bawat mananampalataya tungo sa kanyang Anak na si Hesus.
SALAMIN NG KATARUNGAN - (Sol Lacap, MHC) Pinagpala siya sapagkat banaag sa kanyang buhay ang katapatan sa Panginoon sa lahat ng panahon. Ang kanyang buhay ay halimbawa ng katarungan ng Diyos sa mga tapat sa pananampalataya.
TORENG GARING - (Lyka Cornejo, NAC) Ang tore ay tanda ng kaligtasan. Matatakbuhan sa oras ng kagipitan. Ang Inang Maria ay Ina ng Laging Saklolo. Nagtiwala siya na hindi siya pababayaan ng Diyos. Ang bawat Kristiyano ay makasusumpong sa kanya ng lakas ng loob na dala ng pananampalataya. ROSA MISTICA - (Maricris Real, MOW) May kakaibang ganda ang rosas subalit may kaakibat na hiwaga na dala ng mga tinik nito. Ang Birheng Maria ay puspos ng   kagandahan   subalit   hiwaga sa karamihan. Ang sumasampalataya lamang ang makakaarok ng kanyang kabigha-bighaning ganda. BIRHENG MARIA - (Rebecca Albaytar, MHC) Ina ng Panginoong Hesus. Walang kapantay sa pananampalataya sa Diyos. Unang alagad at halimbawa ng tunay at ganap na pagiging Kristiyano. Ina ng Simbahan, Ina ng Kaligtasan.
SAN MACAREON - (Nick Dulva, SMHC) Obispo na nagbigay pahintulot na buwagin ang mga gusaling nakatayo sa ibabaw ng bundok na pinaghukayan at kanatagpuan ng Banal na Krus.
REYNA ELENA - (Floring Haynes, MHC) Ina ni Haring Constantino na nagsumikap matunton ang Banal na Krus. Siya ay mabait, matulungin at madasaling reyna. Ang kanyang kayamanan ay ibinahagi niya sa mga mahihirap. Halimbawa siya hindi lamang ng isang mabuting ina kundi ng pagiging Kristiyano.
EMPERADOR CONSTANTINO - (Kon. Allan Panaligan) Anak ni Reyna Elena, Hari sa silangan. Magiting na mandirigma at masunuring anak. Dati ay pagano at berdugo ng mga Kristiyano subalit naging kasapi nito dahil sa pangitain ng Banal na Krus. Siya ay halimbawa ng taong bukas ang kalooban sa biyaya ng Diyos. Sa kanyang pagpapabinyag ay maraming Kristiyano ang nasagip sa kamatayan at naging dahilan ng pagsapi ng iba.
BANAL NA KRUS - Simbolo ng Kristiyanismo. Dito ipinako ang Panginoong Hesus. Kamangmangan sa mga Griyego, iskandalo sa mga Hudyo, subalit kaligtasan at walang hanggang pag-ibig sa isang Kristiyano.

Tuesday, July 14, 2009

PAGSISIYAM SA MAHAL NA POON SAN JUAN NEPOMUCENO

YUGTO NG PAGSISISI

Panginoon kong Hesukristo, na napapako sa Krus dahilan sa pagsinta sa akin, at hindi mo ibig na ang makasalanan ay mapasama, kundi ang siya’y magbalikloob at mapakagaling, pinagsisihan, kong masakit at taimtim sa puso ang lahat ng kasalanan ko, at sa pagkaluhod ko ngayon sa harap mo’y hinahagkan ko ang iyong mahal na paa, at hinihingi ko sa iyo na ako’y patawarin mo, yayamang ikaw ay kagalingang walang hanggang, Diyos na dapat sintahin ng buong puso, at lalo sa lahat; lubha kong dinaramdam ang pagkakasala, at matibay ang aking panatang magbago ng asal at dumulog nang tapat sa banal na Sakramento ng Pangungumpisal.

Alang-alang sa mga kamahal-mahalan mong sugat, sa maantak na Pasyon at kalait-lait na pagkamatay mo, at pakundangan naman sa mga karapatan ng iyong mabait na alagad at Martir na si San Juan Nepomuceno, na aming Pintakasi, at ini-aamo ko sa iyo na ipagkaloob mo sa akin ang ako’y mamatay, bago magkasala sa iyo, at ang pananatili sa tunay na pagsinta’t paglilingkod sa iyong Kamahalan hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Siya nawa.


(Dasalin dito ang panalanging tangi para sa araw)


PANALANGIN SA ARAW-ARAW

At yayamang ikaw ay naging taning Pintakasi ng puring iniingatan, hingin mo sa kanya na makilala naming ang nakasusuklam na kapangitan, ang kasiraan ng puri’t ang lubos na kamuraan ng kaluluwang nasa kasalanang malaki, sapagka’t siya ay kaaway ng Panginoong Diyos at alipin ng demonyo; at sa tapat na pagpapahayag ng aming mga kasalanan sa pamamagitan ng isang taimtim na pangungumpisal, ay natuturang anak at kaibigan ng Panginoong Diyos dahil sa grasya. Siya nawa.

Dasalin ang 3 - Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati para sa Santisima Trinidad at hingin ang biyayang ninanasang kamtam.


HULING PANALANGIN SA ARAW-ARAW

O Diyos na makapangyayari sa lahat, at Panginoon ng tanang kinapal; Diyos na dapat sambahin, igalang at purihin; iniaamo namin sa iyo ng buong pagpapakababa ng loob na alang-alang sa mga karapatan at sa pamamagitan ng maluwalhating Martir at aming Pintakasi na si San Juan Nepomuceno ay ilayo mo sa amin ang anumang kasiraan ng puri, kamurahan at hayag na kahihiyan, na makaliligalig sa amin sa paglilingkod sa iyo, at iadya mo kami ng lalo’t lalo sa malaking kamurahan, lubos na kahihiyan at mga paglait at dadalitain ng mga sinumpa sa harap ng tanang mga Anghel at Santo, sa araw ng paghuhukom sa sangkatauhan; at sa pagmamahal namin sa mga kapuriha’t karangalan sa lupa ay huwag mawala sa amin ang puring walang hanggan at ang kaluwalhatiang inihahanda mo sa iyong mga hinirang sa Langit. Alang-alang sa Anak mo, Panginoon naming Hesukristo, na nagtiis ng kalait-lait na kamatayan dahil sa pagtubos sa min, at nang kami ay mailigtas sa kahihiyang walang hanggan; at Siya’y Diyos na sumasaiyo, nabubuhay at naghaharing kasama ang Espiritu Santo magpakailanman saan. Siya nawa.


MGA DALIT SA KAPURIHAN NI SAN JUAN NEPOMUCENO

Pinatakasing tinuturan
ng puring iniingatan
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Tulad ni San Juan Bautista
Ikaw ay bungang nilalang
ng matatandang magulang,
na sa Birhen ay umaasa;
madali kang magpakita
ng hilig sa kagalingan
Gawin ka naming uliran
San Juan, sa kabanalan.


Sa panganganak sa iyo
buong bayan ay nagtaka
sa nakikitang himala
sa bubungan ng bahay mo;
na parang maraming ilaw,
mga bituin kung titigan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Sa Nepomu, sa Bohemia
lumabas ka sa liwanag,
Ikaw ay nagpakasipag
sa pangangaral sa Praga;
at maraming nagkasala
ang naakay sa katuwiran:
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Maraming lubhang biyaya
ng Poong Birheng Maria
sa iyo’y nagpakilala
ng para kang anak niya;
Doktor, Martir na masigla,
at Birhen sa kalinisan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Kay Wenceslao na nagnasa
na isulit sa kanya
ang sekreto ng konsyensya
ng asawa niyang Reyna;
inilaban mong masigla
ang mahal na kalihiman;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Sa malaking pagka galit
ni Wenceslao na malupit,
at hindi ka nga mapilit
sa hindi dapat isulit;
binalaan kang mahigpit
ng hatol na kamatayan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Nalunod ka’t namatay
sa kalaliman ng ilog,
at doon ka inihulog
mula sa taas ng tulay;
inibig ng haring banday
siya mong maging libingan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.



Bangkay mong lulutang-lutang
sa gabi ay nagniningning,
at nakuha’t nailibing
minamahal at iginagalang;
at walang na-alang-alang
sa haring natitigilan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Sa limang bituwin masinag
na inabuloy ng langit
sa bangkay mong ililigpit,
ay nabantog at natanyag
ang nakamtan mong liwanag
sa buhay na walang hanggan;
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Sa pagkabaon mo sa lupa
Tatlong siglong mahigit,
nagningning at marikit
ang iyong mahal na dila;
himalang kahangahanga,
tanda ng iyong kabaitan:
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Pinatakasing Tinuturan
ng puring iniingatan
Gawin ka naming uliran
O San Juan, sa kabanalan.


Antifona: Ito ang tunay na Martir na dahil sa ngalan ni Kristo’y nabuhos ng kanyang dugo; hindi siya natakot sa mga babala ng mga hukom, ni hindi niya hinangad ang luningning ng mga karangalan sa lupa, kaya sumapit siyang maluwalhati sa kaharian ng langit.

Ang banal ay mananariwang parang azucena, at parating mamumulaklak sa harap ng Diyos.

Ipanalangin mo kami, maluwalhating Martir San Juan Nepomuceno.

Nang kami ay maging dapat sa mga pangako ni Hesukristo.

PANALANGIN

O Diyos, na sa masusing pag-iingat ni San Juan Nepomuceno ng mahal na Lihim ng Pangungumpisal, ay pinamutihan mo an Santa Iglesya ng mga martires; ipagkaloob mong maawain na kami ay magtipid sa pangungusap, at matutuhan naming ingatan ang dila, at lalong magalingin at magtiis ng anumang hirap at sakuna sa buhay sa ito, kaysa tumanggap ng anumang ipagkakasala sa iyo. Alang-alang sa Anak mo, nabubuhay at naghaharing kasama ang Espiritu Santo magpakailanman. Siya nawa.

Dasalin ang 1 - Aba Po Santa Mariang Hari, Ina ng Awa. Ikaw ang kabuhaya’t katamisan; aba pinananaligan ka naming, pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang hininga naming nang aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay Aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain at maalam at matamis na Birhen.
V : Ipanalangin mo kami, Santang Ina ng Diyos.
R : Nang kami ay maging dapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristong Panginoon.

at 1- Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati kay San Jose at idalangin ang mga naghihingalo at kaluluwa sa Purgatoryo.


Mga Panalanging Tangi Para sa Araw

Unang araw
(May 7)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na sa panganganak sa iyo ay pinagpala ka ng Diyos, at inibig niya ang bubungan ng iyong bahay ay makitaan ng maningning na ilaw, mga tandang nagpahayag na ikaw ay lumabas sa maliwanag, upang iyong akayin ang tao sa magaling; ini-aamo naming sa iyo na hingin mo sa Panginoong Diyos na ang aming isip ay liwanagan ng kanyang mahal na grasya, nang mag-alab ang puso naming sa tunay na pagsinta sa kanya, matutuhan naming kilanlin at hamakin ang kaparangalan ng mga bagay sa lupa, at aming pagpilitan ang pagkamit ng mga bagay na walang katapusan sa Langit.

Ikalawang Araw
(May 8)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na binigyan ng Panginoong Diyos ng biyayang pagkakilala, at pinamutihan ng katakatakang karunungan, nang ikaw ay matutong mamahala’t umakay sa mga kaluluwa sa daang masikip na patungo sa Langit: ini-aamo naming sa Iyo na ihingi Mo kami sa Panginoong Diyos ng tunay na karunungan, na hindi nakakamtan kundi sa maningas na pagsinta sa Kanya’t sa matiyagang pag-alinsinod sa mahal Niyang kalooban.

Ikatlong Araw
(May 9)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na pinakalooban ng Panginoong Diyos ng maningas na pagsinta’t pagmamalasakit sa ikagagaling ng mga kaluluwa, ng ikaw ay mangaral na parang alagad Niya’t Apostol, at maituro mo sa lahat ang mga katotohanang walang hanggan: ini-aamo namin sa iyo na turuan mo kaming matakot sa Panginoong Diyos, upang maitaguyod namin sa paglilingkod at pamimintuho sa Kanyang Kamahalan ang aming mga panimdim, pangungusap at gawang lahat.

Ikaapat na Araw
(May 10)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na pinamutihan ng Panginoong Diyos, ng isang malalim na pagpapakababa ng loob, tinanggihan mo’t niwalang kasaysayan ang mga karangalan sa lupa, at inari mong lubhang mataas na kapurihan ang maglingkod lamang at manuyo sa Hari ng Langit: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng tunay na kababaan ng loob, upang mailagan naming ang malabis na pagnanasa ng mga papuri ng mundo, at sa halip nito’y mahalin lamang at hanapin ang nauukol sa pamimintuho sa Kanya.

Ikalimang Araw
(May 11)

Maluwalhatin Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na minahal at ginawang tagapaglimos ng haring Wenceslao, at nagpakita sa isang lubusang pagkamahabagin at tunay na pagsintang ama sa mga maralitang tao, na inaabuluyan mo’t binubusog sa lahat ng kanilang pangangailangan, at walang nakahihigit kundi ang lalong nasasalat: ini-aamo naming sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng malaking pagkahabag at awa sa mga tunay na mahirap, at sila’y mga kapatid ding ibigin alang-alang sa Panginoong Diyos.

Ikaanim na Araw
(May 12)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na hindi ka natakot munti man sa hari sa lupa, samantalang sa pagtingin lamang at pagnanasang magbigay-lugod sa Hari n Langit ay buong kabayanihan ng loob na nanatili kang matiyaga sa panatang hindi mo sisirain ang banal na lihim ng Pangungumpisal: ini-aamo naming sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng katibayan ng puso sa pagsasagawa ng kabanalan, upang matutuhan naming walang kasaysayan masasamang hangaring nakaliligaw sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Ikapitong Araw
(May 13)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na nagtiis ng sari-saring mabibigat na parusa, at ibinulid sa isang ilog, at doon nalunod at namatay alang-alang sa Panginoong Diyos, upang mapatotohanan mong ikaw ay aliping mabait, na hindi sumala sa iyong tapat na paglilingkod sa Kanya: ini-aamo namin sa iyo tapat na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng anumang dusa’t hirap sa buhay na ito, sa pangingilag sa kasalanan, at kami ay tulungan mong maamo’t saklolohan sa sandali ng kamatayan.

Ikawalong Araw
(May 14)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan Nepomuceno, na inibig ng Panginoong Diyos na igalang at purihin sa pamamagitan ng madlang himala ng kanyang awa na ipinagkakaloob sa mga tumatawag at napasasaklolo sa iyo, at sa bagsik naman ng mga parusa niya sa mga pangahas na nagbantang lumapastangan sa iyong mahal na libingan: ini-aamo naming sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng tunay na pagmamahal sa kalinisan, at ang mga puso namin, na parang mga libingan ni Hesukristo, kung Siya’y aming tinanggap sa banal na Pakikinabang, ay huwag mawili sa anumang panimdim at pag-ibig na di matuwid.

Ikasiyam na Araw
(May 15)

Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi San Juan Nepomuceno, na pinapuriha’t ginaganti ng Panginoong Diyos ng malaking tuwa’t ligaya sa Langit, at iniibig Niyang mabantog ka sa lupa sa pamamagitan ng mga himala’t pagpala ng Kanyang awa na iginagawad sa mga nagpaunlak sa iyo na napaampon sa iyong pagtatangkilik sa kanilang mga pangangailangan: iniaamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng isang tunay na pagdedebosyon at pagsintang-anak sa mahal na Birhen, at sa anumang hirap at panganib ng kaluluwa’t katawan ay ipagkaloob mo sa amin ang iyong mabisang pagsaklolo.

ORGANIZATION CHART

MINISTRY/ORGANIZATION - COORDINATOR/HEAD
PARISH PRIEST - Rev. Fr. Antonio B. Navarrete, Jr.
ASSISTANT PARISH PRIEST - Rev. Fr. Blas U. Briones, Jr.

PARISH PASTORAL COUNCIL
PARISH LAY COORDINATOR - Bavie Antioquia
ASST. LAY COORDINATOR - Nick Dulva
Secretary - Ellen Rubio

WORSHIP MINISTRIES AND ORGANIZATIONS: (Priestly Ministries)
Worship Coordinator - Rich Manuel
Ministry of the Word - Rich Manuel
Extraordinary Ministers of Holy Communion - Rene Creus
Ministry of Altar Servers - Bryan Espino
Mother Butler Guild - Yola Dulva
Offerings Ministry - Adeling San Luis
Ministry of Usherettes - Teresita Aquino
Projector Ministry - Dennis Glen Saquilabon
Liturgical Arts - Elmer Flores
Special Feasts Ministry - Noel League
Paraliturgy Ministry - Rhody Patio
Music Ministry - Jenny Gianan
Apostleship of Prayer - Josephine Faderon

FORMATION MINISTRIES AND ORGANIZATIONS: (Prophetic Ministries)
Formation Coordinator - Rose Simpao
Catechetical Ministry - Lani Reyes
Media and Communications - Bianca Maguillo
Family and Life Apostolate - Tony & Nora Escalona
Ministry for Migrants & their Families -
Couples for Christ - Tony & Ruth Oseo
Handmaids of the Lord -
Ministry on Youth and Sports -
Mary Help of Christians - Ingrid Lina
Legion of Mary - Ron-Ron Bautista
Ilaw ng Panginoon - Mila Blancaflor
El Shaddai - Viring Magno
Programs Coordinator - Noel League

SERVICE MINISTRIES AND ORGANIZATIONS: (Kingly Ministries)
Social Services Coordinator - - Tony Escalona
Social Service & Develpment Ministry - Ingrid Lina
Healing Ministry - Myrna Saquilabon
Food Ministry - Nemia Castillo
Justice, Peace, Integrity of Creation & Ecology Ministry - Lito Angel
Catholic Women's League - Amelita Sitchon
Knights of Columbus & Columbian Squires - Rodelio Domingo
Confraternity of Our Lady of Lourdes - Dety Estrella
Persons with Disabilities Ministry - Arnol Pelon
Livelihood & Skills Training Center - Dety Estrella
Pondo ng Pinoy - Carling Ayap
BASIC ECCLESIAL COMMUNITIES (BEC) - Tony & Ruth Oseo

FINANCE COUNCIL - Lita Protacio



MINISTRY OBJECTIVES

PRIESTLY MINISTRIES: To be priests like Chirst - who suffered Himself [His very life, His time (in prayer and service - healing, preaching, feeding)] as a holy and living sacrifice to the Father.


PROPHETIC MINISTRIES: To form the hearts and minds of our parishioners - beginning with the leaders, according to the teachings of the church (i.e. Catechism of the Church, the Bible and Social teachings)


KINGLY MINISTRIES: To broaden the social services of the Parish, responsive to the needs of the parishioners, by developing efficient, effective and morally upright servant-leaders (To lead people to God by serving them).

Thursday, July 17, 2008

San Juan Nepomuceno


SAN JUAN NEPOMUCENO


Si San Juan Nepomuceno ay isinilang sa Nepomuk, Bohemia noong 1340. Wolflein ang kanyang tunay na apelyido. Siya’y nag-aral sa Unibersidad ng Praga at humawak ng maraming mahahalagang tungkuling pansimbahan hanggang sa siya ay naging Bikaryo Heneral ng Arsobispo ng Praga, Bohemya. Dahil sa kanyang kabantugan, siya ay ginawang Padre Kumpesor ng palasyo ng Haring Wenceslao, hari noon ng Bohemya, isang haring kilala sa pagiging malupit sa kanyang tauhan, mainitin ang ulo at lubhang seloso.

Tinangka ng Hari na magtatag ng isang Obispado sa Kaldrau at piliin ang isang paring kapanalig niya. Nang ito’y tutulan ng Arsobispo ng Praga, ipinadakip ng Hari ang lahat ng katulong ng Arsobispo at sila’y ipinabilanggo pati si Juan na kanyang sinunog ang tagiliran. Pinakawalan ang Arsobispo at ilang pari subalit malubha na ang kalagayan ni Juan. Upang maitago ang ebidensiya, itinali ang mga paa at kamay ni Juan sa kanyang ulo at siya ay sinaksakan ng isang kahoy sa bibig upang hindi makasigaw. Lihim na itinapon si Juan sa Ilog Moldau na kanyang ikinamatay noong ika-16 ng Mayo, 1383. Nang kinagabihan, lumitaw ang isang liwanag sa ilog na parang pitong bituin. Kinaumagahan natagpuan ng taong bayan ang banal na bangkay ni San Juan Nepomuceno sa pampang ng ilog. Sinasabing isang dahilan kung bakit pinapatay ng hari ang santo ay sapagkat ayaw nitong ipagtapat ang ikinumpisal ng reyna sa kanya. Nang buksan noong 1719 ang libingan ng santo ay natagpuang buong-buo pa ang kanyang dila. Nakalibing ang kanyang labi sa Katedral ni San Vitus sa Praga.

Si San Juan Nepomuceno ay kilalang martir ng Lihim ng Kumpisalan. Siya rin ay pintakasi laban sa baha at mga paninirang puri at tinatawagan para matamo ang biyaya ng mabuting pagkukumpisal.


POONG SAN JUAN


(Awit na kinatha ni Gng. Menang Saranglao at G. Simeon Claudio sa kahilingan ni Mons. Francisco Avendaño para sa kapistahan ni San Juan Nepomuceno c.1970)



O Poong San Juan
Kami po ay kalugdan
Iyong tulungan at patnubayan
Itong Malibay na bayan.

Ikaw ay uliran sa kabanalan
Pag-asa namin, O San Juan
Ikaw ay uliran sa kabanalan
Pag-asa naming, O San Juan.

Saturday, July 12, 2008

Tradisyon ng Malibay

TRADISYON NG MALIBAY

CENACULO

Isa sa katangi-tanging tradisyon ng Malibay ang cenaculo, isang dulang nagsasalaysay ng buhay at kamatayan ni Hesus na karaniwang itinatanghal sa entablado ng Malibay Plaza tuwing kapanahunan ng Kuwaresma. Ang cenaculo ay hango sa “cenaculum”, isang salitang Latin na ang ibig sabihin ay “silid kainan kung saan idinaos ni Hesus at kanyang mga alagad ang huling hapunan (cena)”. Walang makapagsabi kung kailan nagsimula ang cenakulo sa Pilipinas ngunit pinaniniwalaang isa ang bayan ng Malibay sa mga lugar na pinakamatagal ng nagpapalabas ng dulang ito. Ito ay pinasimulan noong 1902 ng Tres Caida na binubuo ni Juan Claudio (kilala bilang Juan Cristo), Dionisio Geronimo (a.k.a. Iciong Pilato) at isang tinaguriang Henyong Pilato. Ang unang pagtatanghal ng cenaculo ay isang “passion play” na ang linya ay binibigkas sa natural na salita at sinasaulo ng mga gumaganap sapagkat ito ay isinasali sa mga kompetisyon ng drama.

Isang sikat na director at nagpalabas ng dramang “Magmamani”, “Philippine Army” at “Dambana ng Diyos” ang pumalit sa papel ni Henyong Pilato. Siya si Fernando Ignacio na nagpatupad ng pagsasalitan ng balaybay (inaawit na pagsasalaysay) at ablada (sinasalita) na unti-unting hindi tinangkilik ng manonood. Nang lumaon, sinubukan muli ni Fernando Ignacio ang nakaugaliang “passion play” subalit lalong nawalan ng kasiglahan ang mga manonood hanggang sa ginawa itong tagulaylay (pag-awit sa linya ng ginagampanan na papel). Hanggang sa kasalukuyan, ito pa rin ang nakagawiang paraan ng pagtatanghal.

Ang mga naging director ng cenakulo ng Malibay ay sina Juan Claudio, Dionisio Geronimo, Fernando Ignacio, Andoy Tenguan, Celestino Espino, Serafin Geronimo, Pio Ramos at Francisco Granada (nagpasimula ng “Road to Calvary”). Isa rin sa nakilalang cenaculista ay si Nicolas “Bagyo” San Pedro. Kadalasan, ang mga gumaganap sa pagtatanghal na ito ay galing sa pamilya ng mga lehitimong taga-Malibay ngunit hindi maitatangging marami rin sa mga kasapi ng Knights of Columbus ang nag-alay ng panahon upang maging tauhan sa nakaugaliang tradisyon na ito ng Malibay.



PANUNULUYAN

Isang tradisyon ng Malibay na ginagawa tuwing ika-24 ng Disyembre ay ang panunuluyan (sa ibang lugar, ito ay tinaguriang “pananawagan”). Ito ay ginagawa bilang paggunita sa paghahanap ng matutuluyan ni Jose at Maria upang isilang si Jesus. Ang mga gumaganap dito ay ang mga kasapi rin ng cenakulo kung saan inililibot ang imahen ng Birheng Maria at tatapat sa walong bahay na may terasa (terrace). Sila ay mananawagan sa pamamagitan ng pag-awit upang patuluyin sila ngunit itataboy naman ng gumaganap na may-bahay na nakadungaw sa itaas ng terasa sa kadahilanang walang lugar. Ang drama ay kadalasang natatapos sa simbahan kung saan dadalaw ang Tatlong Haring Mago at maghahandog sa Niño Jesus. Ang kaugaliang ito ay pinasimulan ni Francisco Granada at nagaganap lamang ayon sa kahilingan ng ilang grupo na taga-Malibay.


SUNDUAN

Ang unang sunduan sa Malibay na nakaugalian ay pinaniniwalaang nagsimula noong 1941. Ito ay laging inaantabayanan ng mga taga-Malibay tuwing Mayo 16, kapistahan ng Patron ng Malibay na si San Juan Nepomuceno. Ang tradisyong ito ay tinawag na “sunduan” sapagkat sinusundo ng mga napiling mga binata ang kanilang kaparehang dalaga kasama ang isang banda ng musiko. Ang mga pares ng dalaga at binata ay nakagayak ng espesyal na kasuotan. Kapag nasundo na ang pinakahuling pares, ang buong prusisyon ay lilibot muli sa pangunahing lansangan ng Malibay kasama pa rin ang banda ng musiko na babalik sa bahay ng hermana at magtatapos sa pamamagitan ng isang salu-salo.



FLORES DE MAYO

Ang Flores de Mayo ay isang tradisyon na kung saan nagkakaroon ng pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen Maria. sa loob ng isang buwan. Bawat araw ay may iba’t-ibang dalagang nag-aalay. Ang sinaunang Flores de Mayo sa Malibay ay hindi isinasabay sa Misa. Ang naatasang hermana ay gumagawa ng ramo. Isang pumpon ng bulaklak na ginagawa ayon sa iba’t-ibang hugis na magpapaalala sa Mahal na Birhen, Santo Rosaryo o halimbawa Santisismo Sakramento na kung minsan pa ay bumubuka at saka lalabas ang isang kalapati depende sa pagkamalikhain ng gumawa nito. Ang dalaga na maaatasan, kasama ng dalawang abay na may dalang kandila, ay lalakad ng paluhod habang dala-dala ang kwintas at koronang bulaklak habang inaawit ang ilang linya ng “Tuhog na Bulaklak”. Pagkatapos, siya ay babalik sa pinanggalingan at dadalhin ang ramo, muling lalakad nang paluhod habang ang himig naman ng “Halina, Tayo ay Mag-alay ng Bulaklak kay Maria” ay inaawit. Sa ikatlong pagkakataon, siya ay babalik muli upang magsaboy ng bulaklak sa paanan ng imahen habang inaawit ang “Dalit kay Maria”. Kung minsan, habang ang dalagang nag-aalay ay kasalukuyang nagpuputong ng korona sa Birheng Maria, ilan sa mga binatang nanunuyo rito ang magpapaputok ng kwitis sa labas ng simbahan. Sa kasalukuyan, ang Flores de Mayo ay isang simpleng pag-aalay ng bulaklak ng ginagawa araw-araw bago matapos ang misa sa buong buwan ng Mayo. Isang malaking prusisyon ang isinasagawa na kasama ang lahat ng kadalagahang nag-alay habang hawak ang bawat titik ng AVE MARIA, labindalawang bituin, ramo na gawa sa iba’t-ibang hugis na kumakatawan sa mga katangian ng Mahal na Birheng Maria batay sa kaniyang Litanya, at ang “quince misterios” ng rosaryo.



ROSARIO CANTADA

Ito ay kaugalian na ginagawa alay sa alaala ng isang namatay na lehitimong taga-Malibay sa pamamagitan ng pag-darasal ng rosaryo sa Latin. Pagkatapos nito, inaawit ang ibang linya sa bandang dulo gaya ng “O Hesus Ko” sa Latin na bersiyon.


PENITENSIYA

Isang tradisyon na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring ginagawa sa Malibay. Maaring sumali ang sinuman na handang magsakripisyo sa pamamagitan ng pagpalo niya ng pangpenitensiyang pamalo sa kanyang likod na ginuhitan ng “blade”. Isang uri rin ng penintensya ay ang pagbubuhat ng krus bukod pa sa paghampas ng gomang pamalo sa kanyang pige habang naglalakad sa lansangan mula sa isang lugar ng Malibay. Karaniwang nakatakip ang mukha ng mga sumasali upang maging taimtim ang kanilang pagpepenitensiya upang maiwasang husgahan ng mga manonood ang mga nagsasagawa nito. Ang gawaing ito ay nagtatapos kung saan ginagawa ang pasyon.

Ang Parokya ng San Juan Nepomuceno


ANG PAROKYA NG SAN JUAN NEPOMUCENO


Ang parokya ng San Juan Nepomuceno sa Malibay, Lungsod ng Pasay, ay itinatag noong ika-15 ng Hunyo, 1965.

Bagama’t hindi pa gaanong matagal ang pagkatatag sa parokya, makasaysayan ang kanyang pinagdaanan.

Noong panahon ng mga Kastila, ang Malibay ay bahagi ng kasalukuyang Nichols at sakop ng Paranaque. Noong ika-21 ng Enero, 1898 ang Baclaran at Malibay ay ihiniwalay sa Paranaque at ginawang isang pueblo ng probinsiya ng Maynila. Ito’y tinawag na Parroquia de Malibay, Arrabal de Manila dahil ang karamihan ng Katoliko ay taga-Malibay, samantalang karamihan ng mga taga-Baclaran ay Protestante. Isa pang naging bansag ay Parroquia de Harty dahil si Arsobispo Hart ang siyang tumulong para matayo ang simbahan noong 1906. Ang simbahan ay nasa isang maliit na visita sa Maricaban, isang sitio ng Malibay, at ang kura paroko ay doon din tumira kaya maririnig kung minsan ang pangalang Parroquia de Maricaban. Si Padre Eulalio Almeda ang naging unang kura paroko.

Makaraan ang apat na buwan humingi ng pahintulot si Padre Almeda na ilipat sa Baclaran ang kanyang luklukan upang maibuhos ang kanyang panahon sa mga Protestante doon.

Ang simbahan sa Maricaban ay ipinagbili ng humaliling kura paroko, si Padre Celestino Rodriquez, sa U.S. Air Force at binili niya ang maliit na lote kung saan nakatayo ngayon ang lote ng Sta. Rita de Cascia.

Noong 1953, ang Parokya ng San Roque sa lungsod ng Pasay ay itinatag at ang unang kura paroko ay si Padre Pulagio Camahalan. Ang Malibay ay ihiniwalay sa Baclaran, Paranaque at naging sakop ng San Roque, kaya’t napasama na sa wakas ang Malibay sa mga ka-distrito nito sa Pasay.

Matagal at mahirap ang pinagdaanan bago ang parokya ng San Juan Nepomuceno ay nabuo. Ang Kanyang Kabunyian Rufino Kardinal Santos ang unang nagmisa at nagkumpil sa maliit na kapilya ng Malibay noong ika-19 ng Hulyo, 1953 at nakita niya ang pangangailangan ng komunidad na magkaroon ng hiwalay na parokya dahil sa dami ng tao rito at kalayuan nito sa San Roque.

Nagsumikap ang mga taga- Malibay upang makapagpatayo ng mas malaking simbahan. Itinatag ng mga tanyag na mamamayan ang Association for the Construction of the San Juan Nepomuceno Parish Church (Malibay), Incorporated noong taong 1964, sa pamumuno ni Dr. Artemio C. Cruz bilang pangulo at Ginoong Conrado C. Alcantara bilang taga-pangulo ng lupon.

Maliit ang dating loteng kinatatayuan ng lumang kapilya na pag-aari nina Sulpicio T. Cruz at Benita Esteban-dela Cruz kaya’t binili ng samahan ang katabing lupa na pag-aari ni Ginoong Victorino Tanlayco. Ang dalawang lote ay ipinagkaloob ng mga may-ari sa Arsobispo ng Maynila noong taong 1965.

Inilagay ang batong panulukan ng Kanyang Kabunyian, Rufino Kardinal Santos, noong ika-21 ng Pebrero, 1965, araw ng kapistahan ng Distrito, at kabilang sa mga sponsors ay sina Ferdinand Marcos, Pangulo ng Senado, at Senador at Gng. Fernando Lopez.

Nahirang at niluklok sa tungkulin bilang unang kura paroko si Msgr. Carlos S. Inquimboy noong ika-7 ng Agosto 1965. Kasama niya bilang katulong na kura paroko si Reb. Pde. Antonio Tobias na sa kasalukuyan ay Obispo ng Novaliches. Naging kura paroko ng San Juan Nepomuceno ang mga sumusunod:

Reb. Mons. Carlos S. Inquimboy
Agosto 1965 - Nobyembre 1967

Reb. Pde. Leonardo Marquez
Disyembre1967 - Enero 1969

Reb. Mons. Francisco Avedano
Pebrero 1969 - Hulyo 1975

Reb. Pde. Benjamin C. Isip
Agosto1975 - Mayo 1977

Reb. Mons. Juan S. Bautista
Mayo1977 - Hulyo 1992

Reb. Mons. Vicente R. Dacuycoy
Abril 1992 - Hulyo 1994

Reb. Pde. Odon L. Francia
Agosto 1994 - Setyembre 14, 1997

Reb. Pde. Benito B. Tuazon
September 15, 1997 – July 11, 2004

Reb. Pde. Antonio B. Navarrete Jr.
July 12, 2004 -kasalukuyan

Sa pagtutulungan ng mga kura paroko at mga mamamayan ng Malibay, ang simbahan ay unti-unting nabuo. Sa unang bahagi, pinatayo ang gusali na kinalalagyan ng San Juan Nepomuceno School noong 1967 ni Padre Leonardo Marquez. Sa ikalawang bahagi, ang kasalukuyang gusali ng simbahan ay ginawa noong 1969 sa panahon ni Mons. Francisco Avedano. Ito ay binendisyunan at pinasinayaan noong ika-8 ng Hulyo, 1973 ng katulong na Obispo ng Maynila, Amado Paulino. Ang rectory ay binuo noong panahon ni Padre Benjamin Isip. Maraming pagbabago sa gusali ng simbahan ang ginawa ni Mons. Juan S. Bautista. Noong panahon ni Mons. Vicente Dacuycoy ang mga naulila ni Gng. Rosario Roxas at ng ilang mamamayang taga-Malibay ay nagtulong-tulong upang maipatayo ang Perpetual Adoration Chapel. Muling pinaayos ni Padre Odon L. Francia ang simbahan at rectory at ginawang Parish Center ang dating San Juan Nepomuceno School. Noong 1998, pinagawa ni Padre Benito B. Tuazon ang rectory upang magkaroon ng medical clinic para ang mga maralitang maysakit sa parokya ay magamot ng walang bayad. Nagkaroon din ng conference room sa bagong opisina ng kura paroko.

Noong una, ang sakop ng San Juan Nepomuceno pati Maricaban ay hanggang Airport Road at Airmen’s Village. Ang hanganan sa pagitan ng parokya ng San Juan Nepomuceno at Our lady of the Airways ay nabago noong 1984. Noong 1992, lumiit ang sukat ng parokya nang itatag ang Parokya ng Mary, Comforter of the Afflicted. Sa kasalukuyan, ang saklaw ng parokya ay ang hangganan ng Pasay at Makati sa hilaga at silangan, Maricaban Creek sa timog, at Estero Tripa de Gallina sa kanluran.

Ngayon, may 65,000 na mamamayan sa Malibay; 90% nito ay Katoliko.

Kasaysayan ng Malibay

KASAYSAYAN NG MALIBAY

(Sinikap ng mga manunulat na buuin ang dokumentong ito sa layunin ang mga lathala, pananaliksik ng ilang guro, at salaysay ng mga lehitimong taga-Malibay na nagpasalin-salin mula sa kanilang mga ninuno.)

Ayon sa alamat, si Raha Matanda at mga kasama nitong maharlika, malimit sa Malibay ang manghuli ng babaeng usa (ibay) na naglipana sa maburol na palayan sa pagitan ng Makati, Taguig, Parañaque at Pasay. May isang Kastilang nagtanong kung ano ang ngalan ng lugar, “Ma-libay diyan” ang tugon sa katanungan.

Hanggang sa dumating ang mga Amerikano, ang Malibay ay isang malawak na bukirin ng palay at ikmo na umaabot sa dakong ngayon ay Magallanes. Dalawang uri ng ikmo ang tanim, ang pula (mapait ang lasa) at ang sinubulos (mababang uri).

Layu-layo ang mga bahay noon at ang ngayong F. Cruz ay isang “Daang Kalabaw” patungo sa bukid - maputik, makipot, at hindi halos madaanan. Karitela ang pangunahing sasakyang bayan palabas ng Malibay.

Ang Malibay ay dating distrito ng Taguig na pinamamahalaan ng isang tawag ay corregidor. Kinalaunan ang titulo ay pinalitan sa alkalde.

Noong panahon ng Katipunan, ang Malibay ay napailalim kay Heneral Gregorio del Pilar. Karamihan ng mga Katipunero sa Pasay ay mula sa Malibay. Lumikas ang mga tao upang hindi mahuli ng mga guardia civil. Sila ay nakipaglaban sa mga Kastila sa Las Piñas, Bacood at Zapote. Ang pangkat ng mga taga-Malibay ay pinangunahan ni Koronel Teodoro Tolentino, at katulong niya sina Kapitan Bonifacio Vizcarra at Marcela Marcelo. Si Marcela ay namatay sa pakikipaglaban sa tulay Julian sa batang edad na dalawampu’t apat na taon.

Noong 1898, hiniling ng mga tao na sila ay mabigyan ng kalayaang mamili ng kanilang pinuno, kaya ang Malibay ay ipinahayag na Pueblo de Malibay, Arrabal de Manila. Sakop ng pueblo ang Parañaque, Pildera at Mabong.

Pagkatapos ng digmaan laban sa mga Amerikano, itinatag muli ang pamahalaang lokal sa Malibay sa pamumuno ni Koronel Teodoro ng Malibay para manatiling isang municipio. Noong 1905, himiwalay ang Parañaque, at ang Malibay, Pildera at Mabong ay ginawang barrio ng Pasay.

Ang iba pang barrio na bumubuo sa Pasay ay may sari-sariling alamat. Ang mga ito ay nakilala sa mga bansag na Maytubig, Tabing Ilog o Balite (San Isidro), (Mabolo) (San Jose), Manggahan o Coronila (San Rafael), Santol (San Roque) at Kabayanan (Santa Clara).




Mga Lansangan sa Malibay

Kasabay ng pag-unlad ang pagdayo ng mga tao na mula sa ibang pook. Dumami ang mga bahay at kinailangang magtayo ng mga kalye para daanan ng tao at sasakyan. Ang pangunahing kalye ay ipinangalan kay Clemente Jose (1811 – 1891), ang unang kapitan municipal. Marami siyang ginawa kaya napamahal siya sa mga tao. Kabilang sa kanyang pagpapagawa ang pinakaunang mabuting lansangan sa Malibay, ang Apelo Cruz. Ang kaagapay na pangunahing kalye ay ipinangalan kay Potenciano Santos, dalawang ulit na kapitan municipal na siyang namagitan sa mahihirap at mga Kastila sa pangongolekta ng napakataas na buwis. Siya rin ay napamahal sa taong bayan.

Ang daang Apelo Cruz ay ipinangalan kay Telesforo Apelo Cruz, ang ika-48 na gobernador ng Pasay noong 1857. Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga may-ari ng lupaing kinamkam ng mga prayle ng naging sanhi ng kanyang pagkabilibid.

Samantala, ipinangalan kay Miguel Cornejo, Sr. ang isang daan bilang pag-alaala sa kanya. Siya ay dalawang ulit na naging pangulong bayan noong 1920 – 1922 at 1929 – 1932. Pinakabitan niya ng tubig, kuryente, telepono at telegrapo ang Pasay. Pinaaspaltuhan rin niya ang mga lansangan; pinaayos ang mga paaralan, palengke, kapulisihan, gayundin ang lugar ng mga bumbero, matadero at sementeryo. Ihiniwalay rin sa panahon ng kanyang pamumuno ang Malibay sa Fort Mckinley at pinagbili ang lupa sa mga naninirahan sa murang halaga. Ang kalsadang Ester Cornejo ay sinunod sa pangalan ng pinakamamahal na panganay na anak ni Ginoong Cornejo na yumao.

Tatlong kalye ang ipinangalan sa tatlong bayaning lumaban noong panahon ng Kastila, sina Marcela Marcelo, Teodoro Tolentino, at Bonifacio Vizcarra. Pangalan naman ni Restituo Ascaño, inhinyero ng lungsod ng Pasay noong 1954, ang taglay ng daang karugtong ng E. Flores. Walang nakasulat tungkol sa ibang kalye, ngunit sa aming pagtatanong sa kanilang mag kamag-anakan, natuklasan naming na ang ibang kalye ay ipinangalan sa mga taong iginagalang sa purok na kanilang tinitirahan. Sila ang tinatawag para lumutas ng mga hidwaan, na tungkuling ginagampanan ng mga punong barangay sa ngayon. Kabilang sa mga taong ito sina Elias Flores, Basilio Mayor, Ignacio Santos, Mariano Geronimo, Francisco Cruz, Laureano Taytay, Eligiodoro Estanislao, Feliciano Francisco at Vicente Cruz.

Hindi namin natunton ang mga kamag-anak ng iba sa kadahilanang lumipat na sila ng tirahan o hindi naipasa sa mga apo nila ang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno.


Musika at Iba Pa

Hindi mawawala ang musika sa halos lahat ng okasyon sa Malibay. Ang Banda Kalayaan ang unang banda sa Pasay na nakilala. Ito ay sinasabing itinatag noong dekada 1920 sa pangunguna ni Dr. Crispulo Musngi at ng kanyang mga kasamahan na dating miyembro ng tanyag na Banda Katipunan ng Bulacan. Isa sa mga orihinal na kasapi nito na taga-Malibay ay si Vicente Gabrillo. Sa kanilang pagsusumikap kung kaya at naipagpatuloy ang nasimulan na adhikain ng grupo na mapanatili ang katanyagan ng banda at maipasa ang pamamahala ng banda sa kanilang mga sumusunod na salin-lahi. Si Romy Gabrillo (anak ni Ka Vicente) ang kasalukuyang maestro ng banda.

Isa pang grupo ng magkakaibigang mahilig sa musika na sina Pio Velez, Flaviano Francisco, Guillermo Hilario, Pacifico Ranera, Hermin , Daniel at Vic Jacinto, at iba pang musikerong nakatira sa Malibay at Bangkal ang nagsama-sama upang bumuo ng banda na tinagurian nilang Banda ng San Juan de Nepomuceno. Ito ay bilang pagpaparangal sa pintakasi ng Malibay. Si Evaristo Galang ang nahirang na tagapamahala. Sa kasalukuyan si Prof. Herminigildo G. Ranera (apo ni Evaristo Galang at anak ni Pacifico Ranera) and director ng musika, tagakumpas at taga-areglo. Mula 1966 hanggang ngayon, ang banda ay patuloy na nagwawagi sa iba’t-ibang kompetisyon.

Marami pang ibang grupo ang itinatag sa Malibay tulad ng Comite de Festejos, Samahang Cenaculista, Varsity Club at Canadian Club na may iba’t-ibang layunin.
Mayroon ring mga bagong gawain na nagiging tradisyon na tulad ng prusisyon ng mga imahen ng Sto. Niño na ginagawa tuwing Enero.

Naisama na rin natin sa kasaysayan ng Malibay ang mga pangalan ng tatlong paring taga-rito, sina Padre Generoso Geronimo, Hamilton Ureta at Leo Nilo Mangussad.

Wakas

Bilang mga nilikha ng Diyos, hindi ba’t tungkulin natin na tanggapin, panatilihin at pag-ibayuhin ang kalikasan at iba pang kayamanan na Kanyang ipinagkaloob sa atin?

Kaya naman, anumang biyayang naipagkaloob sa bayan ng Malibay noong simula pa lamang ay hindi dapat kalimutan ng kasalukuyang henerasyon. Sa pagdaan ng mga taon, ang lahat ng pagbabago ay nanggaling sa pagsisikap ng mga naunang nanirahan dito na patuloy naming pinauunlad hanggang sa ngayon. Ang pagrespeto sa nakaraan at sa maunawaing pagtanggap sa makabagong kaugalian o kaya’y sa uri ng pamumuhay ng bayang ito, ay tanda ng tunay na pagkakaisa ng mga mamamayan ng Malibay.