SAN JUAN NEPOMUCENO
Si San Juan Nepomuceno ay isinilang sa Nepomuk, Bohemia noong 1340. Wolflein ang kanyang tunay na apelyido. Siya’y nag-aral sa Unibersidad ng Praga at humawak ng maraming mahahalagang tungkuling pansimbahan hanggang sa siya ay naging Bikaryo Heneral ng Arsobispo ng Praga, Bohemya. Dahil sa kanyang kabantugan, siya ay ginawang Padre Kumpesor ng palasyo ng Haring Wenceslao, hari noon ng Bohemya, isang haring kilala sa pagiging malupit sa kanyang tauhan, mainitin ang ulo at lubhang seloso.
Tinangka ng Hari na magtatag ng isang Obispado sa Kaldrau at piliin ang isang paring kapanalig niya. Nang ito’y tutulan ng Arsobispo ng Praga, ipinadakip ng Hari ang lahat ng katulong ng Arsobispo at sila’y ipinabilanggo pati si Juan na kanyang sinunog ang tagiliran. Pinakawalan ang Arsobispo at ilang pari subalit malubha na ang kalagayan ni Juan. Upang maitago ang ebidensiya, itinali ang mga paa at kamay ni Juan sa kanyang ulo at siya ay sinaksakan ng isang kahoy sa bibig upang hindi makasigaw. Lihim na itinapon si Juan sa Ilog Moldau na kanyang ikinamatay noong ika-16 ng Mayo, 1383. Nang kinagabihan, lumitaw ang isang liwanag sa ilog na parang pitong bituin. Kinaumagahan natagpuan ng taong bayan ang banal na bangkay ni San Juan Nepomuceno sa pampang ng ilog. Sinasabing isang dahilan kung bakit pinapatay ng hari ang santo ay sapagkat ayaw nitong ipagtapat ang ikinumpisal ng reyna sa kanya. Nang buksan noong 1719 ang libingan ng santo ay natagpuang buong-buo pa ang kanyang dila. Nakalibing ang kanyang labi sa Katedral ni San Vitus sa Praga.
Si San Juan Nepomuceno ay kilalang martir ng Lihim ng Kumpisalan. Siya rin ay pintakasi laban sa baha at mga paninirang puri at tinatawagan para matamo ang biyaya ng mabuting pagkukumpisal.
POONG SAN JUAN
(Awit na kinatha ni Gng. Menang Saranglao at G. Simeon Claudio sa kahilingan ni Mons. Francisco AvendaƱo para sa kapistahan ni San Juan Nepomuceno c.1970)
O Poong San Juan
Kami po ay kalugdan
Iyong tulungan at patnubayan
Itong Malibay na bayan.
Ikaw ay uliran sa kabanalan
Pag-asa namin, O San Juan
Ikaw ay uliran sa kabanalan
Pag-asa naming, O San Juan.