KASAYSAYAN NG MALIBAY
(Sinikap ng mga manunulat na buuin ang dokumentong ito sa layunin ang mga lathala, pananaliksik ng ilang guro, at salaysay ng mga lehitimong taga-Malibay na nagpasalin-salin mula sa kanilang mga ninuno.)
Ayon sa alamat, si Raha Matanda at mga kasama nitong maharlika, malimit sa Malibay ang manghuli ng babaeng usa (ibay) na naglipana sa maburol na palayan sa pagitan ng Makati, Taguig, Parañaque at Pasay. May isang Kastilang nagtanong kung ano ang ngalan ng lugar, “Ma-libay diyan” ang tugon sa katanungan.
Hanggang sa dumating ang mga Amerikano, ang Malibay ay isang malawak na bukirin ng palay at ikmo na umaabot sa dakong ngayon ay Magallanes. Dalawang uri ng ikmo ang tanim, ang pula (mapait ang lasa) at ang sinubulos (mababang uri).
Layu-layo ang mga bahay noon at ang ngayong F. Cruz ay isang “Daang Kalabaw” patungo sa bukid - maputik, makipot, at hindi halos madaanan. Karitela ang pangunahing sasakyang bayan palabas ng Malibay.
Ang Malibay ay dating distrito ng Taguig na pinamamahalaan ng isang tawag ay corregidor. Kinalaunan ang titulo ay pinalitan sa alkalde.
Noong panahon ng Katipunan, ang Malibay ay napailalim kay Heneral Gregorio del Pilar. Karamihan ng mga Katipunero sa Pasay ay mula sa Malibay. Lumikas ang mga tao upang hindi mahuli ng mga guardia civil. Sila ay nakipaglaban sa mga Kastila sa Las Piñas, Bacood at Zapote. Ang pangkat ng mga taga-Malibay ay pinangunahan ni Koronel Teodoro Tolentino, at katulong niya sina Kapitan Bonifacio Vizcarra at Marcela Marcelo. Si Marcela ay namatay sa pakikipaglaban sa tulay Julian sa batang edad na dalawampu’t apat na taon.
Noong 1898, hiniling ng mga tao na sila ay mabigyan ng kalayaang mamili ng kanilang pinuno, kaya ang Malibay ay ipinahayag na Pueblo de Malibay, Arrabal de Manila. Sakop ng pueblo ang Parañaque, Pildera at Mabong.
Pagkatapos ng digmaan laban sa mga Amerikano, itinatag muli ang pamahalaang lokal sa Malibay sa pamumuno ni Koronel Teodoro ng Malibay para manatiling isang municipio. Noong 1905, himiwalay ang Parañaque, at ang Malibay, Pildera at Mabong ay ginawang barrio ng Pasay.
Ang iba pang barrio na bumubuo sa Pasay ay may sari-sariling alamat. Ang mga ito ay nakilala sa mga bansag na Maytubig, Tabing Ilog o Balite (San Isidro), (Mabolo) (San Jose), Manggahan o Coronila (San Rafael), Santol (San Roque) at Kabayanan (Santa Clara).
Mga Lansangan sa Malibay
Kasabay ng pag-unlad ang pagdayo ng mga tao na mula sa ibang pook. Dumami ang mga bahay at kinailangang magtayo ng mga kalye para daanan ng tao at sasakyan. Ang pangunahing kalye ay ipinangalan kay Clemente Jose (1811 – 1891), ang unang kapitan municipal. Marami siyang ginawa kaya napamahal siya sa mga tao. Kabilang sa kanyang pagpapagawa ang pinakaunang mabuting lansangan sa Malibay, ang Apelo Cruz. Ang kaagapay na pangunahing kalye ay ipinangalan kay Potenciano Santos, dalawang ulit na kapitan municipal na siyang namagitan sa mahihirap at mga Kastila sa pangongolekta ng napakataas na buwis. Siya rin ay napamahal sa taong bayan.
Ang daang Apelo Cruz ay ipinangalan kay Telesforo Apelo Cruz, ang ika-48 na gobernador ng Pasay noong 1857. Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga may-ari ng lupaing kinamkam ng mga prayle ng naging sanhi ng kanyang pagkabilibid.
Samantala, ipinangalan kay Miguel Cornejo, Sr. ang isang daan bilang pag-alaala sa kanya. Siya ay dalawang ulit na naging pangulong bayan noong 1920 – 1922 at 1929 – 1932. Pinakabitan niya ng tubig, kuryente, telepono at telegrapo ang Pasay. Pinaaspaltuhan rin niya ang mga lansangan; pinaayos ang mga paaralan, palengke, kapulisihan, gayundin ang lugar ng mga bumbero, matadero at sementeryo. Ihiniwalay rin sa panahon ng kanyang pamumuno ang Malibay sa Fort Mckinley at pinagbili ang lupa sa mga naninirahan sa murang halaga. Ang kalsadang Ester Cornejo ay sinunod sa pangalan ng pinakamamahal na panganay na anak ni Ginoong Cornejo na yumao.
Tatlong kalye ang ipinangalan sa tatlong bayaning lumaban noong panahon ng Kastila, sina Marcela Marcelo, Teodoro Tolentino, at Bonifacio Vizcarra. Pangalan naman ni Restituo Ascaño, inhinyero ng lungsod ng Pasay noong 1954, ang taglay ng daang karugtong ng E. Flores. Walang nakasulat tungkol sa ibang kalye, ngunit sa aming pagtatanong sa kanilang mag kamag-anakan, natuklasan naming na ang ibang kalye ay ipinangalan sa mga taong iginagalang sa purok na kanilang tinitirahan. Sila ang tinatawag para lumutas ng mga hidwaan, na tungkuling ginagampanan ng mga punong barangay sa ngayon. Kabilang sa mga taong ito sina Elias Flores, Basilio Mayor, Ignacio Santos, Mariano Geronimo, Francisco Cruz, Laureano Taytay, Eligiodoro Estanislao, Feliciano Francisco at Vicente Cruz.
Hindi namin natunton ang mga kamag-anak ng iba sa kadahilanang lumipat na sila ng tirahan o hindi naipasa sa mga apo nila ang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno.
Musika at Iba Pa
Hindi mawawala ang musika sa halos lahat ng okasyon sa Malibay. Ang Banda Kalayaan ang unang banda sa Pasay na nakilala. Ito ay sinasabing itinatag noong dekada 1920 sa pangunguna ni Dr. Crispulo Musngi at ng kanyang mga kasamahan na dating miyembro ng tanyag na Banda Katipunan ng Bulacan. Isa sa mga orihinal na kasapi nito na taga-Malibay ay si Vicente Gabrillo. Sa kanilang pagsusumikap kung kaya at naipagpatuloy ang nasimulan na adhikain ng grupo na mapanatili ang katanyagan ng banda at maipasa ang pamamahala ng banda sa kanilang mga sumusunod na salin-lahi. Si Romy Gabrillo (anak ni Ka Vicente) ang kasalukuyang maestro ng banda.
Isa pang grupo ng magkakaibigang mahilig sa musika na sina Pio Velez, Flaviano Francisco, Guillermo Hilario, Pacifico Ranera, Hermin , Daniel at Vic Jacinto, at iba pang musikerong nakatira sa Malibay at Bangkal ang nagsama-sama upang bumuo ng banda na tinagurian nilang Banda ng San Juan de Nepomuceno. Ito ay bilang pagpaparangal sa pintakasi ng Malibay. Si Evaristo Galang ang nahirang na tagapamahala. Sa kasalukuyan si Prof. Herminigildo G. Ranera (apo ni Evaristo Galang at anak ni Pacifico Ranera) and director ng musika, tagakumpas at taga-areglo. Mula 1966 hanggang ngayon, ang banda ay patuloy na nagwawagi sa iba’t-ibang kompetisyon.
Marami pang ibang grupo ang itinatag sa Malibay tulad ng Comite de Festejos, Samahang Cenaculista, Varsity Club at Canadian Club na may iba’t-ibang layunin.
Mayroon ring mga bagong gawain na nagiging tradisyon na tulad ng prusisyon ng mga imahen ng Sto. Niño na ginagawa tuwing Enero.
Naisama na rin natin sa kasaysayan ng Malibay ang mga pangalan ng tatlong paring taga-rito, sina Padre Generoso Geronimo, Hamilton Ureta at Leo Nilo Mangussad.
Wakas
Bilang mga nilikha ng Diyos, hindi ba’t tungkulin natin na tanggapin, panatilihin at pag-ibayuhin ang kalikasan at iba pang kayamanan na Kanyang ipinagkaloob sa atin?
Kaya naman, anumang biyayang naipagkaloob sa bayan ng Malibay noong simula pa lamang ay hindi dapat kalimutan ng kasalukuyang henerasyon. Sa pagdaan ng mga taon, ang lahat ng pagbabago ay nanggaling sa pagsisikap ng mga naunang nanirahan dito na patuloy naming pinauunlad hanggang sa ngayon. Ang pagrespeto sa nakaraan at sa maunawaing pagtanggap sa makabagong kaugalian o kaya’y sa uri ng pamumuhay ng bayang ito, ay tanda ng tunay na pagkakaisa ng mga mamamayan ng Malibay.