TRADISYON NG MALIBAY
CENACULO
Isa sa katangi-tanging tradisyon ng Malibay ang cenaculo, isang dulang nagsasalaysay ng buhay at kamatayan ni Hesus na karaniwang itinatanghal sa entablado ng Malibay Plaza tuwing kapanahunan ng Kuwaresma. Ang cenaculo ay hango sa “cenaculum”, isang salitang Latin na ang ibig sabihin ay “silid kainan kung saan idinaos ni Hesus at kanyang mga alagad ang huling hapunan (cena)”. Walang makapagsabi kung kailan nagsimula ang cenakulo sa Pilipinas ngunit pinaniniwalaang isa ang bayan ng Malibay sa mga lugar na pinakamatagal ng nagpapalabas ng dulang ito. Ito ay pinasimulan noong 1902 ng Tres Caida na binubuo ni Juan Claudio (kilala bilang Juan Cristo), Dionisio Geronimo (a.k.a. Iciong Pilato) at isang tinaguriang Henyong Pilato. Ang unang pagtatanghal ng cenaculo ay isang “passion play” na ang linya ay binibigkas sa natural na salita at sinasaulo ng mga gumaganap sapagkat ito ay isinasali sa mga kompetisyon ng drama.
Isang sikat na director at nagpalabas ng dramang “Magmamani”, “Philippine Army” at “Dambana ng Diyos” ang pumalit sa papel ni Henyong Pilato. Siya si Fernando Ignacio na nagpatupad ng pagsasalitan ng balaybay (inaawit na pagsasalaysay) at ablada (sinasalita) na unti-unting hindi tinangkilik ng manonood. Nang lumaon, sinubukan muli ni Fernando Ignacio ang nakaugaliang “passion play” subalit lalong nawalan ng kasiglahan ang mga manonood hanggang sa ginawa itong tagulaylay (pag-awit sa linya ng ginagampanan na papel). Hanggang sa kasalukuyan, ito pa rin ang nakagawiang paraan ng pagtatanghal.
Ang mga naging director ng cenakulo ng Malibay ay sina Juan Claudio, Dionisio Geronimo, Fernando Ignacio, Andoy Tenguan, Celestino Espino, Serafin Geronimo, Pio Ramos at Francisco Granada (nagpasimula ng “Road to Calvary”). Isa rin sa nakilalang cenaculista ay si Nicolas “Bagyo” San Pedro. Kadalasan, ang mga gumaganap sa pagtatanghal na ito ay galing sa pamilya ng mga lehitimong taga-Malibay ngunit hindi maitatangging marami rin sa mga kasapi ng Knights of Columbus ang nag-alay ng panahon upang maging tauhan sa nakaugaliang tradisyon na ito ng Malibay.
PANUNULUYAN
Isang tradisyon ng Malibay na ginagawa tuwing ika-24 ng Disyembre ay ang panunuluyan (sa ibang lugar, ito ay tinaguriang “pananawagan”). Ito ay ginagawa bilang paggunita sa paghahanap ng matutuluyan ni Jose at Maria upang isilang si Jesus. Ang mga gumaganap dito ay ang mga kasapi rin ng cenakulo kung saan inililibot ang imahen ng Birheng Maria at tatapat sa walong bahay na may terasa (terrace). Sila ay mananawagan sa pamamagitan ng pag-awit upang patuluyin sila ngunit itataboy naman ng gumaganap na may-bahay na nakadungaw sa itaas ng terasa sa kadahilanang walang lugar. Ang drama ay kadalasang natatapos sa simbahan kung saan dadalaw ang Tatlong Haring Mago at maghahandog sa NiƱo Jesus. Ang kaugaliang ito ay pinasimulan ni Francisco Granada at nagaganap lamang ayon sa kahilingan ng ilang grupo na taga-Malibay.
SUNDUAN
Ang unang sunduan sa Malibay na nakaugalian ay pinaniniwalaang nagsimula noong 1941. Ito ay laging inaantabayanan ng mga taga-Malibay tuwing Mayo 16, kapistahan ng Patron ng Malibay na si San Juan Nepomuceno. Ang tradisyong ito ay tinawag na “sunduan” sapagkat sinusundo ng mga napiling mga binata ang kanilang kaparehang dalaga kasama ang isang banda ng musiko. Ang mga pares ng dalaga at binata ay nakagayak ng espesyal na kasuotan. Kapag nasundo na ang pinakahuling pares, ang buong prusisyon ay lilibot muli sa pangunahing lansangan ng Malibay kasama pa rin ang banda ng musiko na babalik sa bahay ng hermana at magtatapos sa pamamagitan ng isang salu-salo.
FLORES DE MAYO
Ang Flores de Mayo ay isang tradisyon na kung saan nagkakaroon ng pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen Maria. sa loob ng isang buwan. Bawat araw ay may iba’t-ibang dalagang nag-aalay. Ang sinaunang Flores de Mayo sa Malibay ay hindi isinasabay sa Misa. Ang naatasang hermana ay gumagawa ng ramo. Isang pumpon ng bulaklak na ginagawa ayon sa iba’t-ibang hugis na magpapaalala sa Mahal na Birhen, Santo Rosaryo o halimbawa Santisismo Sakramento na kung minsan pa ay bumubuka at saka lalabas ang isang kalapati depende sa pagkamalikhain ng gumawa nito. Ang dalaga na maaatasan, kasama ng dalawang abay na may dalang kandila, ay lalakad ng paluhod habang dala-dala ang kwintas at koronang bulaklak habang inaawit ang ilang linya ng “Tuhog na Bulaklak”. Pagkatapos, siya ay babalik sa pinanggalingan at dadalhin ang ramo, muling lalakad nang paluhod habang ang himig naman ng “Halina, Tayo ay Mag-alay ng Bulaklak kay Maria” ay inaawit. Sa ikatlong pagkakataon, siya ay babalik muli upang magsaboy ng bulaklak sa paanan ng imahen habang inaawit ang “Dalit kay Maria”. Kung minsan, habang ang dalagang nag-aalay ay kasalukuyang nagpuputong ng korona sa Birheng Maria, ilan sa mga binatang nanunuyo rito ang magpapaputok ng kwitis sa labas ng simbahan. Sa kasalukuyan, ang Flores de Mayo ay isang simpleng pag-aalay ng bulaklak ng ginagawa araw-araw bago matapos ang misa sa buong buwan ng Mayo. Isang malaking prusisyon ang isinasagawa na kasama ang lahat ng kadalagahang nag-alay habang hawak ang bawat titik ng AVE MARIA, labindalawang bituin, ramo na gawa sa iba’t-ibang hugis na kumakatawan sa mga katangian ng Mahal na Birheng Maria batay sa kaniyang Litanya, at ang “quince misterios” ng rosaryo.
ROSARIO CANTADA
Ito ay kaugalian na ginagawa alay sa alaala ng isang namatay na lehitimong taga-Malibay sa pamamagitan ng pag-darasal ng rosaryo sa Latin. Pagkatapos nito, inaawit ang ibang linya sa bandang dulo gaya ng “O Hesus Ko” sa Latin na bersiyon.
PENITENSIYA
Isang tradisyon na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring ginagawa sa Malibay. Maaring sumali ang sinuman na handang magsakripisyo sa pamamagitan ng pagpalo niya ng pangpenitensiyang pamalo sa kanyang likod na ginuhitan ng “blade”. Isang uri rin ng penintensya ay ang pagbubuhat ng krus bukod pa sa paghampas ng gomang pamalo sa kanyang pige habang naglalakad sa lansangan mula sa isang lugar ng Malibay. Karaniwang nakatakip ang mukha ng mga sumasali upang maging taimtim ang kanilang pagpepenitensiya upang maiwasang husgahan ng mga manonood ang mga nagsasagawa nito. Ang gawaing ito ay nagtatapos kung saan ginagawa ang pasyon.
No comments:
Post a Comment